Dearest Mamita
Dearest Mamita,
Pasensya ka na kung topic kita ngayon sa blog ko, mandatory yata ang magblog tungkol sa nanay kapag Mother’s Day. I have no idea.
Una sa lahat, maraming salamat. Maraming salamat sa pagpapalaki mo sa aming magkakapatid na matitino. Nag-aral kaming mabuti dahil sabi mo, yan lang ang tanging maipapamana nyo ni Papito sa amin. Kung tinuruan mo sana kaming maglandi ng maaga baka may apo ka na ngayon, ewan ko, baka mas masaya ka.
Hindi din ako naging lasenggera, hindi nagsisigarilyo, hindi nagda-drugs, madaming kaibigan, sumusunod sa batas, hindi nabuntis habang nag-aaral, may respeto sa ibang tao, nagbabayad ng tamang buwis at higit sa lahat bolera. Lahat po yan ay dahil sa iyo, Mamita.
Ewan ko kung nasabi ko na sa iyo, pero mukhang magkakatotoo ang kinakatakot mong hindi magkaroon ng apo sa akin. Feeling ko kasi umoonti na ang egg cells ko. Naisip ko lang naman. Parang nung minsang naisip kong magmadre na lang, o nung minsang naisip kong maghanap ng boyfriend na pulis.
Mamita, pasensya po kung hindi tayo nakakapg-usap ng personal. Alam ko kasing kapag sasabihin ko sa iyo ang mga kagagahan ko ay mas malamang na pagalitan mo ako. It really hurts kapag nasasabi ko sa mga halos hindi ko kilalang tao ang mga saloobin ko kesa sa nanay ko. Lalong mahirap sabihin sa inyo nung nag-break kami ni M, feeling ko kasi sobrang close nyong dalawa. Nakita ko pa nga sa phone nyo na hanggang ngayon textmate pa din kayo. Aba naman Mamita! Baka kayo pa ang magkatuluyan.
Alam nyo po ba na natatakot pa din ako kapag ikaw ang nagda-drive? Nag-se-seatbelt ako lagi kahit nasa likod ako nakapwesto. Promise. Kaskasera ka kasi, pero hindi marunong mag-park.
Sana napasaya ka naming magkakapatid noong Linggo. Gusto ko lang sabihin na si Essy ang may ideya nung regalo naming chocolate cake. Alam namin na hindi ka makakakain ng cake dahil diabetic ka, hayun kami ang lumantak ng cake na para sa iyo. Pero sana natuwa ka dahil it’s the thought that counts.
I love you Mamita!
Ang inyong nagpupumilit maging mabuting anak,
Salbehe
PS. Sana hindi mo ito mabasa.

