Paunang Salita Bago ko Okrayin si Emon

On May 31, 2010 by salbehe

Hindi lang kay Essy umiikot ang mundo blog ko at hindi titigil ito kahit mawala pa sya. May isa pa akong kapatid na pwedeng okrayin, si Emon.

Si Emon ang bunso naming kapatid na lalake. Hindi ko alam kung papaanong pagpapalaki ang ginawa ng magulang ko sa kanya kasi isa syang huwaran anak. Mahirap okrayin si Emon lalo na kung may isa ka pang kapatid na balahura si Essy.

Mabait na Anak

Hindi pumapalyang umuwi bago ang curfew. Sumusunod sa mga batas na pinatutupad sa bahay. Nagpapa-alam kapag may lakad o late uuwi. Hindi tumatakas ng panonood ng tv kapag weekdays. Sumasama sa Kingdom Hall (Jehovah’s Witness ang nanay ko, Kingdom Hall ang tawag sa simbahan nila) kapag Lingggo. Ano pa ba? Basta lahat ng kalokohan ko nung estudyante, hindi nya ginawa.

Cool na Kapatid

Dahil mabait si Emon, sinasamantala ko ito. Kapag nanonood kami ng TV at nauuhaw ako, sasabihin ko lang, Emon ikuha mo naman ako ng tubig. Walang reklamong ikukuha ako ni Emon ng tubig. Kapag gusto ko naman ng juice, Emon, ipagtimpla mo naman ako ng juice. Minsan aangal si Emon, sasabihin nya, Bakit hindi ikaw ang magtimpla? Sasagot lang ako ng, Kasi mas masarap kang magtimpla ng juice kesa sa akin. Yan ang magic words, tatayo na si Emon at magtitimpla. Ganyan sya ka-uto-uto kabait na kapatid na kung kay Essy ko siguro pinagawa yan baka nahampas na ako ng tv.

First name basis kami, hindi nya ako tinatawag na "Ate". Ang cool di ba?

emonKuha ito noong bagyong Frank. Bored at walang magawa, pinaglaruan namin ang camera.

Matipid

Nung estudyante pa ako hindi ako nakaipon kahit singkong duling. Si Emon, fourth year college pa lang sa darating na pasukan mas malaki na ang pera sa bangko kesa sa akin. Wala naman talaga akong ipon kaya alam kong mas malaki ang pera sa akin ni Emon. Nakumpirma ko ito dahil may ganitong eksena sa bahay:

Mamita: Wala pa tayong pambayad sa telepono at meralco.
Papito: Mangutang ka muna kay Emon, sabihin mo babayaran natin sa katapusan.

Ganyan kamiserable ang buhay pinansyal ko, mas nakakautang pa ang magulang ko kay Emon.

Masipag

Ganito ang gawain namin sa bahay. Si Essy ang magluluto, ako ang maghuhugas ng plato. Si Emon ang magliligpit ng pinagkainan, magwawalis, maglilinis ng kalan at lababo, mag-aayos ng mga hinugasan kong plato (assistant ko), magpapakain ng pusa at aso, magtatapon ng basura, etc. etc.

MagalingKuha sa apartment ni Emon sa Elbi, tipikal na inuman session. Magaling! Si Emon ang nasa gitna.

Matalino

Imbes na suportahan namin si Emon sa UPCAT, pine-presure namin sya. Sabi namin ni Essy dapat makapasa sya sa UPCAT dahil nakapasa kaming dalawa. Halos araw-araw ito o tuwing makikita namin na nag-rereview si Emon. Oh well, nakapasa nga si Emon at nakuha pa nya ang first choice nya.

Di hamak na mas magaling din syang mag-English.

Nung dumalaw ako sa Elbi, nabalitaan ko na cum laude stading si Emon. Ibig sabihin kung ga-graduate sya ngayon ay with honnors syang magma-martsa. Biglang nagunaw ang mundo ko, nasabi ko kay Yong, Paano na ako Yong? Si Essy, Scientist! Si Emon mukhang magiging cum laude pa. Ano na lang ako?

Ang sagot ni Yong, Blogger ka Salbehe, blogger.

At yan ang mabigat na dahilan kung bakit ko napagpasyahan na okrayin si Emon sa susunod kong post. Kahit anong achievements ng mga kapatid ko ay kaya ko silang gawing tae sa blog ko. Bwahahahaha! [insert maligalig na tawa here]

Comments are closed.