Tuesday 22nd June 2010
by salbeheDearest Papito,
Alam kong Father’s Day noong Linggo at kailangan kong gumawa ng blog entry para sa iyo dahil baka magtampo ka. Gumawa kasi ako ng para kay Mamita di ba? Kaya lang hindi ko alam kung papaano magsimula.
Nakakalungkot kasi na kailangan mo pang lumayo para kumita. Malaking sakripisyo para sa inyo ni Mamita, sa aming magkakapatid. Ayaw ko po ng ganitong sitwasyon natin, Papito. Kung iisipin mo dapat sanay na ako dahil nasa high school pa ako ay nagtatrabaho ka na sa Qatar. Oo nga’t umuuwi ka tatlo o apat na beses sa isang taon pero madami ka pa rin na-miss na mga importanteng pangyayari sa buhay ko, sa buhay naming magkakapatid. Pero naiintindihan po kita, desisyon mo yan at sinosuportahan kita. Sa tagal mo nga lang dyan sa Middle East ay mukha ka na din Arabo. JoKE~ Lng~ p0WH. LolZ.
Alam mo ba Papito na sa’yo ako natuto magsulat ng liham dahil ikaw ang una at kaisaisahan kong penpal. Ito marahil ang dahilan kung bakit mas komportable akong mag-email kesa magkoment. Inaabangan ko lagi ang mga sulat mo kahit ang laman lang nito ay ang mainit na temperature sa Qatar at presyo ng langis na mas mataas pa sa presyo ng tubig. May insight at analysis ka pa kung anong magiging presyo ng langis dahil sa epekto ng Gulf War. High school ako nito Papito, wala akong naiintindihan pero masaya akong makatanggap ng mga sulat mo.
Sa iyo ko din natutunan ang propesyon na Accountant, Analyst at Economist dahil isa ka dyan. Ang sabi mo sa akin basta magaling sa Math ay magaling na sa lahat kaya naman ginalingan ko sa Math. Sana maging magaling na din ako sa lahat katulad mo. Magaling ka pa din kahit noong aksidente mong natapunan ng kumukulong cooking oil si Essy.
Kaya kita na-mi-miss ng sobra sobra ay dahil sa iyo ko namana ang lahat ng kakulitan ko sa katawan. Tanda mo noong huling uwi mo? Muntik na natin mapaiyak ang asar-talo na si Essy dahil sa pelikulang The Day the Earth Stood Still. Minsan lang ako magkaroon ng kakampi at kung hindi lang siguro nagsumbong si Essy kay Mamita sa tingin ko mapapaiyak natin sya.
Eto lang po muna at marami pa akong nakabinbin na trabaho. E-mail po kita mamaya.
Belated Happy Fathers Day Papito!
Love lots,
Salbehe
P.S. Aminin mo Papito, kinakabahan ka din kapag si Mamita ang nagda-drive. :lol:

