Wednesday 2nd June 2010
by salbeheAng hirap okrayin ni Emon. Para sa amin ni Essy, si Emon ang perpektong kapatid at hindi namin maikakaila na sya din ang paboritong anak. Hands down. Kay lupit ng tadhana. Magiging katawatawa lang ako kung lalaitin ko si Emon, kaya sige na, magpaparaya na ako. Title pa lang panlalait na sa pagkatao ko.
Nagpapa-bully ako
Tipid mode kaya sa isang kwarto lang kami natutulog kung saan may aircon. Si Mamita at Papito sa kama, si Essy at Emon sa foam. Hindi na kasya ang foam ko kaya naka-comforter ako malapit sa banyo. Bakit ako? Parehong dambuhala ang kapatid ko kaya ako lang kasya sa kakaonting espansyo malapit sa banyo. Kay lupit talaga ng tadhana. Kapag trip ni Emon, pinapatabi nya ako sa foam nya, pero pagkagising ko sa sahig din lang pala ako natulog dahil sa likot matulog ni Emon kahit elepante kaya nyang patalsikin sa foam nya.
Kapag may pinapabiling libro o dissecting tool o kung ano pang anek anek sa iskul, mga dalawampung beses ipapadala ni Emon ang text message hanggang hindi ako nagkukumpirma na nabili ko na. Kesehodang wala akong time bumili o wala akong kwartang pambili. Pambihira. Pero ano pa bang magagawa ko? Mabait ako.
Mapagbigay ako
Kapag may inalagay akong pagkain sa ref, maswerte ako kapag nakuha ko pang buong-buo. Kapag nabawasan, may tapyas na o kung tinamaan ng lintek ay nawala na, alam kong si Emon ang nagnenok. Kapag tinanong, aamin naman si Emon na sya ang nagnenok para makapang-asar lang. Ang madalas na linya ni Emon ay Kinain ko na, gusto mo isuka ko? Kaderder.
Parehong adik sa anime ang mga kapatid ko, kapag hawak na nila ang remote wala na akong magawa kundi magbukas ng libro. Kapag hentai nakikinood ako.
Inaayos ko ang gamit ni Emon
Lahat ng gamit ni Emon naka-ayos: damit, pera, medyas, bag, libro, notebook. Lalo na kapag nag-aaral, organisado dapat. Ang mga libro naka-stack sa kanan, ang notebook naka-stack sa kaliwa, ang lapis at bolpen sa bandang taas. Nakahanay na parang may imbisibol ruler na sinusunod. Kapag nagulo ang kahit isang bolpen, alam ni Emon, at tae lang, nagsusumbong sya. Napaka big deal.
Inaayos ko ang mga gamit ni Emon ayon naman sa gusto ko. Nagmamagandang loob lang naman ako, gusto kong makatulong. Halimbawa yung mga libro aayusin ko base sa pinakagusto kong subject, yung notebook aayusin ko base sa paborito kong kulay. Inaayos ko lang naman walang masama. Ang siste, obsessive compulsive (OC) si Emon to the highest level. Hindi sya makapag-aral kapag nagulo ang gamit nya; kailangan nya munang ayusin para makapag-aral uli. Time consuming ang pag-aayos dahil kapag nagulo ang kahit isang gamit nya, aayusin nya LAHAT. Hindi ko maikwento ng husto basta nakakatawa ang hilatsa ng mukha ni Emon kapag nagulo ang gamit nya at kapag inaayos nya uli. Nakasimangot, naiinis at naguguluhan. Windang siguro ang tamang salita para i-describe sya. Kaya may ganitong sigawan sa bahay:
Emon: Mamitaaa. Si Salbehe, ginulo na naman ang gamit kooo. (nagsusumbong)
Salbehe: Hindi ko ginulooo, inayos kooo. (defensive)
Mamita: HUWAG MONG PAKIALAMANAN ANG KAPATID MO.
Okay payn, inayos ko na nga, ako pa ang masama.
Madami pa akong mabait na kwento pero wag na, baka masira ang salbeheng image ko.

