Feed Rss



Jun 28 2010

Palipad Hangin

category: Merong Personalan author: salbehe

Noong Biyernes umuwi ako sa Laguna dahil na-mi-miss na ako ni Mamita. Isa pang dahilan kaya eksayted akong umuwi ay dahil makikichismis ako sa 43 years old kong tita na ikinasal noong nakaraang Lunes. At hindi lang yan ang shocker. Kapitbahay lang ng tita ko ang napakasalan nya. All those years they are just three houses apart. Pambihira.

Habang kumakain ng tanghalian (Sabado), nagparinig na (naman) si Mamita, sabi nya, Nag-di-diet ako anak. Ayaw ko pang magkasakit kasi wala pang ikinakasal sa mga anak ko. Napalunok ako. Panganay kasi ako at alam kong sa akin sya nagpapalipad hangin. Kaya naman naglambing na lang ako, sabi ko, Mamita naman. Kumain ka, ang sarap pa man din ng luto mong laing at isda. Baka mamayat ka at lalong magkasakit.

Kailangang kong mambola. Sa totoo lang, walang lasa magluto ang nanay ko at ayon sa huling annual check-up nya ay overweight sya. Dahil nagdadrama si Mamita kailangan kong ding magpaka-goody kaya ako ang nagprisintang maghugas ng plato. Dun ako sa labas ng kusina naghuhugas kaya madali kong nakita na may kumakatok. Nagtatanong tungkol sa lote, hindi ko masyadong naintindihan kaya sinigawan ko si Mamita. Mamita may naghahanap sa inyooooo.

Kahit maliit lang ang bahay namin sigawan ang normal na usapan sa bahay.

Pinapasok ni Mamita sa terrace ang nagtatanong at hinunta ng husto. Dahil malapit lang sa pinaghuhugasan ko ng plato ang terrace ay naririnig ko ang usapan nila.

Lalake: Ahente po ako from Maybank, hinahanap ko po ang Lot 10.
Mamita: Itong lote namin ay Lot 12 sa kabilang lote ang Lot 10. Kumain ka na ba iho?
Lalake: Kumain na po ako, maraming salamat po. Madami pa akong lot na kailangang makita.
Mamita: May mapa ako ng subdivision namin, gusto mo? Hahanapin ko lang.
Lalake: Sige po Maam, malaking tulong po ito.
Mamita: Gusto mo muna ng maiinom?
Lalake: Naku huwag na po.

Pagpasok ni Mamita sa bahay sinigawan nya ako, Anak kausapin mo nga muna ang bisita habang may hinahanap ako.

Sumigaw din ako, Ayaw ko nga, naghuhugas ako ng platooooo.

Pagkabigay ng mapa, umalis na ang ahente. Lumapit sa akin si Mamita, Sayang naman anak bakit hindi mo kinausap? Wala pang singsing yung ahente.

Ang hina pala ng diskarte ko, baka abutin din ako ng 43 years. Pambihira.

___________________________________________________________

I-email ang koment dito.

Possibly Related Posts: