No Jueteng. Weh?
by salbehe on September 28, 2010
Noong nakaraang linggo, walang ibang balita kundi ang pagkakasangkot ng mga malalapit kay Pnoy sa juetang. Kapag nangungumbinsi ang pulitko, pulis o DILG na walang jueteng sa probinsya namin, tumatambling ako.
Bakit kamo? Kubrador kasi ng jueteng ang Lola ko, bale tiyahin ng tatay ko.
Sa pagkakatanda ko, hindi nabakante kahit kailan sa paghwe-jueteng si Lola. Ang pagkukubrador nya ay permanenteng trabaho na walang tax, nakakainggit hindi ba? Itinuturing pa syang bayani sa lugar nila dahil nakakatulong sya sa mga kapitbahay kapag nanalo sa jueteng. Hindi sya “jueteng lord” na may limpak limpak na pera sa bangko, pero mataas ang estado nya sa kanilang barangay.
Sa katunayan, noong Ondoy, una syang iniligtas ng mga kapitbahay nya.
Sa katunayan, tuwing nagkakaroon ng relief operation pagkatapos ng kahit anong bagyong dumaan, parang sari-sari store ang bahay ni Lola sa dami ng relief goods.
Sa katunayan, noong minsan na dumalaw ako kay Lola, binigyan nya ako ng Modess. Lenchak daw kasi yung nagbigay sa kanya, sa edad nyang mahigit sisente, akala siguro ay nireregla pa sya.
Kaya hindi ko alam kung anong pinagpuputok ng butsi ng mga taong ayaw sa jueteng bukod sa naiinggit sila dahil wala silang kickback. Basta ako, may libreng sanitary napkin.

