Housemate Blues

by salbehe on April 4, 2011

Dalawang taon akong nagsolo sa bahay, ngayong simula ng taon, may housemates ako. Noong una syempre aaminin kong nailang akong kumilos sa sarili kong bahay, pero nang tumagal na, aba nag-eenjoy na ako. Pwede na nilang punan ang bumoboplaks ko pang lablayp. Joke!

Lagyan ko ng codename, si V at Y.

May tig-iisa kaming laptop kaya hindi problema ang hiraman. Ang siste, iisa lang ang magandang pwesto sa bahay na may malakas na signal, dun sa may bintana. Kapag may pumuwesto na dun na isa, hindi na ako makapwesto kaya ang ginagawa ko ay nagbabasa na lang ako ng libro. Blessing in disguise. Bukod sa hindi na ako nakakapanglande sa internet bago matulog, nababasa ko pa ang mga binili ko at niregalo sa aking libro. (Salamat pala sa mga nagregalo ng libro! Binabasa ko na. Yoohooo!)

Dahil maliit lang ang bahay, walang privacy, kahit magpinger nahihiya ako. Pero blessing pa din ito dahil wala akong pagkakataon makapag-uwi ng lalake.

Kwentong shampoo. Apat na klase ang shampoo ko sa banyo, huwag na alamin kung bakit ang dami kong gamit sa buhok samantalang ang nipis ng buhok ko, basta ganyan ako. Nung malapit nang maubos ang Clear Shampoo ko, bumili si V ng Clear Shampoo For Men. Natawa ako! Nahiya pa ang walangya at nagtira pa.

Hindi na lang mineral water ang laman ng ref ko. Lagi nang may pagkain, sa ngayon nga ay may ilang piraso pa ng chocolate cake na kinupit ni Y na para sana sa mga bata sa ampunan. Kapag niyayaya ako ni V lumabas para kumain tinatanggihan ko na, dati kasi sige sige lang ako hanggang sa napansin kong humahabol na din ako sa timbang ni V.

Chismisan galore kami sa buhay ng isa’t-isa. Ma-late lang umuwi si Y, uusisain namin kung sinong kasama nya. Sa tingin ko, imbestigador si V sa previous life nya. Kilala namin kung sinong dinadate ng isa’t-isa maliban kay V, dahil wala naman syang dinedate.

Madalas, si Y ang napagdidiskitahan namin pag-usapan behind her back. Literally. Nakatalikod lang si Y tsaka namin sya pinag-chi-chismisan na parang wala sya sa bahay. Ang saya saya pala ng ganun! Pero kamakailan lang nagbago ang ihip ng hangin. Sa akin nabaling ang atensyon ng dalawang housemate ko.

V: Karamihan sa mga pogi ang natitipuhan ay panget. Panget na bobo pa. Potashet.
Salbe: Basta ako, hindi naghahanap ng gwapo.
V: Kaya ka nahihirapan maghanap ng lalake.
Y: Bwahahaha!
Salbe: Mga walanghiya talaga kayooooo!

[Reply sa post ni Lababo. Edited version.]