I Hate Dengue

by salbehe on August 24, 2011

Noong bata pa ako ay mahilig ako sa mga usong sakit. Nagkaroon ako ng tigdas, bulutong, beke at dengue. Ang joke nga ni Mamita ay kaya daw ako hindi na lumaki ay dahil bata pa lang eh na-overdose na ako sa gamot. Har har.

Ang pinakamalala sa naging sakit ko ay yung dengue. Hindi ko alam kung anong stage ang inabot ng dengue ko basta kailangan ko nang magpasalin ng dugo. Ang siste, member ng Jehovah’s Witnesses si Mamita at bawal sa religion nya ang magpasalin ng dugo. Pinaka-traumatic na experince ni Mamita ito dahil gusto nyang manalig sa kanyang religion at the same time ay gusto din nyang mabuhay ang kanyang mabait na anak. Nanalangin ng taimtim, tapat at wagas si Mamita kaya hanggang ngayon ay buhay pa ang kanyang mabuting anak. Ehem ehem.

Dahil sa experince na yan, naging protective si Mamita sa dengue. Kapag panahon ng lanzones, kailangan namin ipunin ang balat nito, patuyuin at sunugin para pausukan ang buong bahay. Sa ganitong paraan ay maitataboy sa kapitbahay ang mga salbaheng lamok. Required din kami na mag-Off Lotion kapag uso ang dengue o kapag magka-camping o basta pupunta/magbabakasyon sa malayong lugar. Required din, na sa unang sign pa lang ng dengue ay kailangan ko nang pumunta sa doctor/clinic/ospital para magpa-platelet count.

Simula nang mapabalita sa TV na sandamakmak ang case ng dengue sa Quezon City kung saan sa mismong barangay ko pa ay kinabahan na si Mamita. Sabi nya, huwag na daw muna akong mag-skirt, kailangan daw ay mag-pantalon ako kapag may lakad para makaiwas sa kagat ng lamok. At dahil masunurin akong anak (Ako na, ako na, it’s me already!), sinusunod ko sya. Lampas isang buwan na akong hindi nag-i-skirt at nagsho-short. Natuto na nga din akong magsuot ng leggings.

Noong unang beses ko mag-pantalon sa opis, nagulat ang boss ko (na katabi ko). First time daw nya akong nakitang hindi nagpakita ng legs. Sabi naman ng opismate ko (na katabi ko din), “Alam mo Salbe, bagay sa iyo ang naka-skirt.”

Hindi ko alam kung na-insulto ako kaya ang nasabi ko na lang ay “Thank you.”

Kaya sana matapos na ang dengue craze. Be safe everybody!