Kinect-ing People

by salbehe on March 1, 2012

Noong Sabado, pumunta kami sa bahay nila Gillboard para kumain at mag-Kinect Party. Kaming apat nila Vajarl, Lio at Tarbs.

Pagdating sa bahay nila, andun na si Jayvie na isang oras na naghihintay sa amin. Kumain na agad kami, at hindi kami nagsisi na dumayo pa kami ng Paranaque para kumain! Ang sarap ng handa ni Gillboard! May lumpiang shanghai, friend chicken, hipon, pusit, lobster, lechon baboy, lechong manok, lechong baka at chocolate fondue. Ang sarap tumira sa bahay nila Gillboard.

Pagkatapos kumain, konting inuman, kwentuhan, nood ng TV. Nang medyo okay na, nagsimula na kaming mag-Kinect! Sayang talaga at wala akong nakuhang picture dahil sobrang busy akong magpakabibo sa pagki-Kinect kahit first time kong gawin yun. Intayin nyong i-upload ni Lio ang bidyo namin!

Pagkatapos ng napakasayang Kinect party ni Gillboard, nabuo ang maitim kong balak na bumili ng Kinect. Hindi naman kasi pwede na magpa-ampon kina Gillboard pero isa na yun sa option ko. Sa paglalaro ng Kinect, pinagpapawisan ka habang nag-eenjoy. Hindi katulad ng kapag nagpu-push-up lang, pinagpapawisan ka lang talaga minus ang pag-eenjoy. O di ba, jinu-justify ko talaga.

Ang una kong ginawa ay nagbukas ng Excel sheet at nag-compute ng aking kaban ng cash. Kung bibili ako ng Kinect, hindi muna ako magbabayad ng monthly amortization sa PAG-ibig, mapuputulan ako ng kuryente at magdidildil muna ako ng asin ng tatlong araw habang iniintay ang sunod sa sweldo. Walang nakapigil sa akin, pumunta ako sa Greenhills para bumili ng Xbox 360 with Kinect.

Pag-uwi, sinet-up agad. Inilagay ang Kinect sa harap ng TV. Ang siste, napakalapit ko masyado sa Kinect para makita ako ng sensor. Kailangan kong lumayo pa para ma-recognize ako. May katangahan din ang Kinect.

 

Kaya ipinatong ko ang Kinect sa speaker at pumuwesto ako sa may cabinet/closet. Bingo! Na-recognize na ako! I’m in the best position!

 

Ang kailangan ko lang gawin bago maglalaro ay ibaba ang kurtina sa bintana dahil the best position din ito para makita ako sa labas habang nagbo-Boogie Wonderland. Pambihira.