Act of Kindness

Kaninang umaga pagkagising ko, bumubuhos ng bungga ang ulan! Kaya kinuha ko ang cellphone ko at nag-text.

Hi Boss, magha-half day po ako.

Natulog na uli ako.

Pagkagising ko, medyo kinda sinipag na akong pumasok sa opis kaya naligo na ako, nagbihis, nagbyahe. Pagdating ko sa MRT, medyo kinda siksikan pa din. Medyo kinda na lang, hindi katulad ng kapag alas otso ng umaga na super duper ang siksikan. Kahit medyo kinda na lang ang dami ng tao, hindi pa din ako nakaupo kaya tumayo na lang ako sa bandang dulo ng train.

Yung katapat ko na nakaupo, napapansin kong nakatitig sa akin. Keri boom boom lang, sanay akong pagtinginan ng tao. Charuut! Artista?!

Nung nasa Kamuning Station na, hindi na napigilan ni ate ang kanyang paghanga sa akin, kinausap na nya ko.

Ateng Nakaupo: Miss, gusto mong umupo? (Gesturing her seat.)

Salbehe: Huh?!

Hindi ako makapaniwalang may natitira pa sa mundo na mabait at totoong busilak ang puso! Muntik na akong maiyak.

Ateng Nakaupo: Buntis ka di ba?

Salbehe: Hindi po.

Muntik na akong makasampal.

0