Rapunzel
01 Feb 2012In this version of Rapunzel, the evil bitch won.
Gumigising ako ng 5:30AM tuwing umaga. Maliligo, magtu-toothbrush, maglalagay ng blush-on, mag-lo-lotion, ang daming arte kaya makakaalis ako ng bahay ng 6:30AM. Sasakay ako ng tricycle, fx, mrt at jeep papuntang opis. Medyo may kalayuan kasi ang Novaliches sa Makati pero hindi ako nagre-reklamo, nagku-kwento lang.
Pinaka-hassle sa byahe ko ang pagsakay sa MRT. Iniisip ko na lang na exercise sa akin ang pumili, makipagsiksikan, makipagtulakan at umakyat-bumaba sa MRT. Madalas din akong nakatayo kaya pag baba ko ng MRT ay halos ma-drain na ang kung ano mang natirang powers ko. Kaya sana pag-upo ko sa jeep papuntang opis ay smooth sailing na ang byahe. Pero nasa Pilipinas ako at maraming nakakairita sa Pilipinas.
Maikli lang ang buhok ko since birth. Kapag medyo naaabot na ng dulo ng buhok ang balikat ko ay kating kati na akong magpagupit. Hindi ako sanay sa long hair. Minsan naiinggit ako sa mga babaeng may super silky smooth long black hair, pero minsan lang yun. Lalo na kapag nakakasabay ko sila sa jeep at nakabuyangyang ang kanilang super silky smooth long black hair, gusto ko silang ibili ng pang-ipit ng buhok.
Katulad kahapon. Pagsakay ko ng jeep ay nakalapit ko sa upuan ang babaeng may super silky smooth long black hair na hindi nakatali. Nasa likod nya ako kaya pag-andar ng jeep ay nasa mukha ko ang buhok nya. Literally, in my face! Gusto ko sanang kumuha ng gunting para gupitan si Ate pero wala naman pala akong dalang gunting.
At ang matindi pa nito, walang pakialam si Ate sa buhok nya. Pinapabayaan lang nyang liparin ang buhok nya. Nakasimangot na ako. Pambihira. Pagkatapos kong tumayo sa MRT ganito pa ang mangyayari sa jeep. Hindi na ako nakatiis, kinalabit ko si Ate,
“Miss, kumakain ka ba ng buhok?”, tanong ko.
“Hindi”, sagot ni Ate.
“Ako din eh.”
I win! Nagtali sya ng buhok.


