Noong college, tumira ako sa dorm sa labas ng campus. Karamihan ng nakasama ko sa dorm ay upper class. Marami silang kalokohan. Isa sa kanila, si R, ay may binabasang diary ng dati nyang roommate nung freshman sya. Mara Clara ang peg. Hindi ko kilala kung sino ang may ari ng diary, pero pagkatapos basahin ni R ang diary, hiniram ko yun para basahin din.
Natuwa ako sa diary. Ang daming chismis! Nalaman kong ayaw ng nanay at tatay ni Ate (yung may ari ng diary) na maging aktibista sya. Kinilig ako dahil kaya pala gusto ni ate maging aktibista dahil may pagsintang pururot si ate sa leader ng group. Nalungkot ako nung nagkaroon ng girlfriend si group leader. Maraming hinaing si ate sa mundo, galit sya sa prof nya na sa tingin nya ay hindi marunong magturo pero magaling magbigay ng mahirap na exam. Minsan galit sya sa “mother-fucking-earth” kahit hindi nya alam ang dahilan.
Binasa ko ang diary from cover to cover. May natutunan ba ako? Wala. Pero natuwa ako. Nagsimula din akong magsulat ng diary. Tumagal ang unang diary ko ng tatlong araw.
Noong nagtrabaho na ako, nagkaroon na ako ng access sa internet. Nakiuso na akong gumamit ng Friendster at Multiply. Dito ko na na-discover ang blogging. Katulad ng diary na nabasa ko nung college, natuwa ako sa mga blogs. Ang daming kwento! Dahil mahilig din ako magkwento sa totoong buhay, sinulat ko ang mga kwento ko.
Pero higit sa kwento ko, mas natuwa ako sa kwento ng ibang blogger. Siguro ang pinakamalapit na salita para i-describe ang characteristic ko na ito ay ang pagiging chismosa. Kaya ako nagbablog ay para magkwento at makikwento sa kwento ng iba. Hindi tumagal lang ng tatlong araw ang “diary” ko na ito na katulad nung una, sa katunayan lampas limang taon na akong nabablog. Naging hobby ko na ang blogging. And to some extent, naging parte na ang blogging ng buhay ko.
Minahal ko ang blogging sa katulad na paraan na minahal din ako ng blogging (at blogsphere). Pinatawa ako nito, binigyan ng tunay na kaibigan, binigyan ng plastik na kaibigan, pinaiyak, dinala ako sa malalayong lugar na alam kong hindi ko mararating kahit pa nasa bucket list ko ito. Binigyan ako ng blogging ng haters at readers. And for all that, I’m grateful.
May natutunan ba ako? Wala pa din. Okay sige na nga. May natutunan din ako kahit papaano katulad nang huwag magpautang sa blogger (see previous post), pero mas importante pa din ang mga naging karanasan ko kesa mga natutunan ko.
PS. Hindi ko sinauli ang hiniram kong diary. I fell in love.
______________
Ang post na ito ay sagot sa Hoshi’s Blog Life Contest ng kwentotpaniniwalanihitokirihoshi.wordpress.com.
